Sunday, June 27, 2010

Integral Socialism

Panimulang Burador / Hulyo 1996
Sintenyal ng Pagputok ng Rebolusyong Katipunan


Ayon kay Gandhi, may 7 ugat ang kasalanang panlipunan:

1. pulitikang walang prinsipyo
2. kayamanang hindi pinagpagalan
3. sarap na walang konsyensya
4. kaalamang walang mabuting asal
5. hindi maka-taong agham
6. negosyong walang kinikilalang moralidad
7. pagsambang walang sakripisyo

Hindi natin maiiwasan ang pulitika. Nais natin ng kaunlaran at maka-ahon sa kahirapan. Hindi natin hinihingi sa mga tao na magsakripisyo na lamang nang magsakripisyo nang di dumanas ng kaginhawahan sa buhay. Nais rin nating patuloy na lumawak ang kaalaman ng lahat. Hindi natin nilalabanan ang agham, manapa’y nais pa natin itong patuloy na umunlad. Ang pagnenegosyo ay bahagi na ng ating pamumuhay. At lalong nais nating sumamba ang tao at maging mapaggalang at mapagpasalamat sa Manlilikha. Dapat rin nating idagdag na nais nating payapang makipamauhay sa kalikasan at hindi payagan na gamitin nang walang pakundangan ang iba pang nilikha sa daigdig kapag ninais ng tao. At hindi natin matatawag na maunlad ang isang lipunan kung kalahati ng populasyon ay patuloy na dumaranas ng kaapihan at itinuturing na di kapantay sa loob ng tahanan, pagawaan, pakikipagugnayan at sa karapatang mamahala.

Ito ang lunggatiin ng isang sosyalistang lipunan:

Isang lipunang ginagabayan ng may prinsipyong pulitika, pinagpawisang kaunlaran, may konsiyensang kaginhawahan, may moralidad na pangangalakal, pagsambang nagsasakripisyo, kaalamang may integridad, mapagkalinga, masinop at mapaggalang sa pakikipag-ugnay sa iba pang nilikha at kalikasan, at may kapantayan ng kasarian.

Bakit hindi ito nakakamit ng sosyalismo?

a) Ang lipunan ng ating mga ninuno-Sa pagdatal ng tao sa sanlibutan, mga 2 milyong taon na ang nakararaan, at mga banding 150,000 tao na ang nakaraan kung susukatin natin ang haba ng panahong lumitaw ang tintatawag na homo sapiens sapiens (na kung saan tayong modernong tao ang kabilang), ang mga tao ay grupo-grupo, palipat-lipat at pagala-gala kung saan may makakain. Walang mayaman at walang mahirap sapagkat di sila nagtatabi. Kinukuha o hinuhuli, o pinipitas lamang nila ang kailangan. Walang taong nagmamay-ari ng anumang bagay. Ang nahuli ay para sa lahat upang kainin. Ang lahat na mapitas ay para sa lahat upang kainin.

b) Pagdating ng negosyong walang moralidad- Subalit nang matutong humimpil ang mga komunidad sa isang lugar dahil nakakapagtanim na sila, sa kalanaunan, nagkaroon ng sobra sa kanilang ani. Dito nagsimula ang Ang sinaunang agrikultura ay naka-impluwensiya sa mga tao na magbuklod nang mas mahigpit: sa mga pamilya, angkan, at tribu. At may angkan na mas maraming pagmamay-ari. May mga pamilyang mas mayaman, at nagkaroon ng mga alipin o mas mababa ang posisyon sa lipunan.

c) Panahong medieval: Pinalala ang kahirapan ng marami at ang agwat mayaman at mahirap sa panahon ng tinatawag na medieval period na kung saan ang mga monarkiya, katuwang ang kaunting pamilyang may hawak ng mga asyenda at malaking taniman ay umusbong.

d) Panahong Moderno: Sa pagsulpot ng pilosopiya ng liberalismo at humanismo, sa tulong ng pag-unlad ng agham at teknolohiya, na sinuportahan ng pananaw ng protestantismo, lumago at umunlad ang sistemang kapitalismo. Lalong lumalala ang agwat ng mayaman at mahirap sa pagsulpot mga pabrika at korporasyong may operasyon sa di lang isang bansa at ang marami ay mas malaki pa ang kayamanang tangan kaysa sa mga gobyerno.
.
e) Ang hamon ng sosyalismo: Bilang transisyon, bago nagsipagbagsakan ang mga monarkiya, nagsimnula ang pagnenegosyong tinatawag na merkantilismo. Sa ganitong paraan, nagkamal ng yaman ang mga gobyerno sa pamamahala ng mga hari, ngunit nagbigay ideya ito sa pribadong pagnenegosyo. Mula sa tinipong yaman sa pagsasaka at agrikultura, nagsimulang pumasok sa iba pang negosyo ang mga may pera, habang ang mga lupain ay ibinenta o kaya nama’y ginamit na capital sa mga bagong pagkakakitaan tulad ng mga riles, pagbabarko, at pagbibiyahe ng iba’t ibang produkto sa ibang bansa, habang pag-uwi ay may dala ulit itong mga kalakal na mula naman sa mga produktong ng bansang pinagbentahan. Sa paglala ng kahirapan ng mga manggagawa sa pagsulpot ng mga unang pabrika ng patahian, umusbong din ang pagpuna at pagkwestyon sa kapitalismo. Ipinanganak ang ideyolohiya ng sosyalismo sa Pransiya at Ingglatera bandang 1800’s. At sa pagpasok ng ika-20 siglo, isang sosyalistang kilusan ang nagwagi sa Russia (1917) at ibinalangkas ang lipunan ayon sa isang sosyalistang kaayusan. Sumunod ditto ang iba pang bansa tulad ng mga bansa sa Silangang Europa (1945-48), Tsina (1949), at Cuba (1959). Dahil sa tagumpay ng kilusang sosyalista, pina-igting ng Estados Unidos at ng mga kakampi niyang bansa ang tunggalian sa pamamagitan ng mga digmaan (tago man o lantad), at mga food blockades. Samantala, dahil na rin sa panimulang tagumpay ng sosyalismo, natugunan ang mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan kayat nagsilbing parola ng kaligtasan sa iba pang naghihirap na mga lipunan at bansa.

f) Soyalismo sa ikatlong daigdig: Kayat mula 1960 hanggang 1985, marami pang bansa lalo na sa tinatawag na Ikatlong daigdig ang sumubok din ng iba’t ibang anyo ng sosyalismo tulad ng Tanzania (1972), Albania, Burma, Libya, Chile (1970), Angola, Vietnam (1975) Nicaragua (1981).

g) Ang kakulangan at kabiguan ng Sosyalismo:-Subalit mula 1985-1995, ang halos lahat ng mga exprimentong ito ay nagsipagbagsakan. Lalong nalantad ang krisis ng sosyalismo nang bumagsak ang rehimeng komunista sa Silangang Europa (1989), sa Rusya (1991), at sa malupit na pagsupil ng Partido Komunista ng Tsina sa kilusang demokratiko roon (1989). Hindi nakaligtas sa krisis ang mga kilusang may sosyalistang adhikain sa iba pang bansa katulad ng sa atin na nagbunga ng pagkakawatak-watak ng mga pambansang demokratiko, sosyal-demokrata, at iba pang indepenyendeng kilusan na patuloy na nagpahina sa kilusang progresibo sa Pilipinas.

Laos na ba ang sosyalismo? Ang pagbagsak ba ng mga rehimeng komunista sa Silangang Europa at sa Rusya ay nagbabadyang hindi tunay na alternatibo ang sosyalismo sa kapitalismo?

Balikan natin ang kasaysayan at lagumin ang mga aral nito.

1. Sa simula ng ika-18 siglo, sa pag-unlad ng teknolohiya sa produksiyon, ang kaunlarang dinala ng kapitalismo ay hindi matatawaran, subalit kaalinsabay ng kaunlarang ito, at pagyaman ng kakaunti ay hindi rin maikakaila ang sanlaksang hirap na dinanas at ibinunga nito sa mga nakararaming manggagawa. Dahil dito, umusbong and ideyolohiya ng sosyalismo na naglayong wasakin ang pribadong pagmamay-ari sa mga gamit sa produksiyon, bilang ugat ng paghihirap ng nakararami. Ang pangarap na lipunang ito ay nagbigay pag-asa sa marami at nagbunsod ng hindi mabilang na pakikibaka ng uring anak-pawis laban sa uring nagmamay-ari ng yaman at nasgmomonopolyo ng kapangyarihan.
2. Nitong ika-20 siglo, ilang kilusang sosyalista ang nagwagi sa mga pambansang pakikibaka at matagumpay na isinabalangkas ayon sa isang sosyalistang mithiin ang kanilang lipunan, lalo na ang balangkas pangkabuhayan. Pagkaraan ng mga 2 dekada, ang mga lipunang ito ay makapagmamalaki na ang kabuhayan at kalusugan ng nakararaming mamamayan ay malinaw na umunlad. Ang tagumpay na ito ay patunay na ang sosyalistang mitin ay kayang ipatupad. napatunayan ng sosyalismo na kaya nitong tugunan ang mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan.
3. Subalit nitong mga huling taong nagdaan, sa pagpasok ng ika-21 siglo, ang krisis pangkabuhayan ng mga sosyalistang bansang ito ay lumalala. At dahil dito, ang mga mamamayan ay nag-alsa, at tinutulan ang diktaturang pamamalakad sa buhay – pulitika, na nagbunsod sa pagbagsak ng mga rehimeng sosyalista sa Silangang Europa (1989) at sa Unyong Sobyet. (1991) Samantala, ang Cuba ay nakakaranas ng matinding crisis, samantalang sa pamamagitan ng mga reporma ay tumutulin naman ang paglaki ng kabuhayan sa Tsina, matapos supilin ang kilusang demokratiko sa nasabing bansa.
4. Laos na ba ang sosyalismo? Hindi ba kayang ipatupad ang sosyalismo? Sa pagbagsak ng mga sosyalistang bansa, patunay ba ito na ang ideyolohiya ng capitalismo ay tama at siyang susi ng kaunlaran para sa lahat? Para sa mauunlad na bansa, tama ba ang kanilang maka-kapitalistang landas ng kaunlaran? Para sa mga sosyalistang bansa na bumagsak, totoo bang itinatwa na ng mga tao ang sosyalismo at nais na nilang pasagip sa kapitalismo? Para sa mga mahihirap na bansa, mali ba ang sosyalismo bilang mithiin, at gawing susi’t batayan ng kanilang pinapangarap na kaunlarang panlipunan?



MGA SALALAYANG KATANGIAN AT PRINSIPYO NG SOSYALISMO

1. Bago natin sagutin ang mga tanong sa itaas, linawin muna natin kung ano ang sosyalismo. Mula sa hindi mabilang na pag-aakala at opinyon sa sosyalismo, limiin natin ang ilang mga batayang elemento nito, na umunlad hanggang sa makapanagumpay ang ilang mga sosyalistang pakikibaka sa ilang mga bansa tulad ng Rusya, mga bansa sa Silangang Europa, Tsina, Cuba at Vietnam.

a) pampublikong pagmamay-ari ng mga gamit sa produksiyon: ang kabuhayan, upang matawag itong sosyalista, ay kailangang mailagak sa kamay ng publiko (ng nakararami) ang pagmamay-ari ng mga gamit sa produksyon. Hindi maaaring ituring na sosyalista ang isang sistemang pangkabuhayan, kung wala sa kamay ng nakararami ang pagmamay-ari sa mga gamit sa produksyon. Hindi nito ibig sabihin na ang lahat ay pagmamay-ari ng lahat. Yun lamang mga gamit sa produksyon. Yung mga bagay, lupa, likas na yaman na ginagamit upang makalikha ng mga iba pang produkto o pangangailangan ng ibang tao. Ang pampublikong pagmamay-ari ay nangangahulugan ng maraming bagay. Maaaring itong nasa kamay ng isang grupo ng lumilikha ( manggagawa/magsasaka), maaari itong pagmamay-ari ng sambayanan ngunit pinamamahalaan ng estado, nang sarili lamang, o katuwang ang mga gumagawa rito, o ito’y pagmamay-ari ng mga tao/ buong populasyon sa isang rehiyon habang pinamamahalaan ng estado at ng buong sambayanan. Layunin ng ganitong kalakaran ay ang pagbubuwag sa pribadong pagmamay-ari ng mga nasabing gamit sa paniniwalang ito ang pangangailangan at nagiging dahilan kung bakit ang tubo ay napupunta lamang sa iilan o sa mga pribadong may-ari ng mga nasabing gamit sa produksyon. Ibig sabihin, ang layunin ng ganitong patakaran ay upang ano mang malilikhang produkto o serbisyo, dahil ito’y pagmamay-ari ng marami, ang tubo rito ay napupunta rin sa marami at hindi sa iilan lamang. Dahil ditto, ang pampublikong pagmamay-ari sa mga gamit sa produksiyon ay dapat magbunga sa ikalawang katangian ng isang sosyalistang kabuhayan, ang:

 pampublikong pagpapasiya / pamamahala sa palitan at paghahati ng tubo o sukli ng produksiyon: ang partisipasyon ng nakararami sa pagpapasiya kung paano hahatiin ang bunga ng produksiyon, at kung kani-kanino mapupunta ang mga ito.

b) Paghawak ng kapangyarihan ng nakararami sa pamamagitan ng mga kinatawan ng mga aping uri: ; ngunit ginagabayan ng pasiya ng mga tao sa pamamagitanng mga organisadong komunidad: dahil sa pagsusuri ng mga sosyalista na ang kapangyarihan pampulitika ay madaling makuha ng mga taong may kayamanan at sa pamamagitan nito ay lalo nilang nakukuhang magpayaman, ang ganitong ikot ng kapangyarihan at pag-agaw sa kapangyarihan ( na hawak ng iilan), ng mga partido at pampulitikal na organisasyon sa ngalan ng mga mahihirap at inaapi. Kasama sa pampulitikang kaayusan na ito ang isang malaya at independiyenteng patakaran sa ugnayang panlabas, ang pagtatatag ng isang maliit na sandatahang lakas na susuportahan ng malawak na citizens army, at ang pagsisikap na tugunan ang mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan at ang pagsusulong ng paglusaw sa mga uri, at makamit ang zero unemployment rate.


ANG PAGPAPATUPAD NITO SA MGA NAGTAGUMPAY NA BANSA

1. Sa Rusya at sa halos lahat na bansang nanaaig sa pag-agaw ng kapangyarihan mula sa mga gamit sa produksiyon ay cajita na ipinatutupad. Ang malaking bahagi ng kanilang mga kabuhayan ay nilagak ang pagmamay-ari sa buong sambayanan/bansa, at iniatang sa estado ang pamamahala at pagpapatakbo ng mga nasabing kabuhayan. Sa usaping ng repormang pang-agraryo, ang mga lupain ay ipinamudmod sa mga magsasaka o kaya’y nilagay sa mga kolektiba na ginagabayan ng estado. Hindi matatawaran ang positibong bunga nito sa mga mamamayan. Sa loob lamang ng halos dalawang dekada, ang buhay ng nakakararami sa mga bansang ito ay umunlad at tumaas, sa kabila ng mga parusa (i.e, sanctions at embargo) na ipinatupad ng mga kapitalistang bansa laban sa mga nasabing bansang sosyalista.

Subalit sa loob ng bansa, ang estado ay siyang praktikal na nagmay-ari ng yaman dahil ang pagpapasiya sa paghahati ng tubo ay ginampanan ng estado at ng partido . ibinunga nito ng kalakarang pampulitika na di matatawag na demokratiko;


2. Sa usapan ng pulitika, tinipon ng mga bansang ito ang kapangyarihan sa iisang partido at ipinagbawal ang iba pang mga partido at ipinagbawal ang iba pang mga partido pulitikal. Samantalang malawak ang kasapian ng mga partido comunista a ito sa mga bansa nila, hindi rin maikakaila na marami par in ang nagpasiya na hindi umanib rito kahit wala nang pagpipiliang iba. Samantala, ang sandatahang-lakas ay lalong pinalakas (imbis na paliitin) at hindi rin maitatanggi ng mga partidong ito na ang kalayaan sa pamamahayag, sa mga individual na karapatang (pantao), at ang karapatan sa paniniwala ay sinupil at hindi nagkaroon ng kaaya-ayang kapaligiran upang umunlad at maipahayag. Bagaman nananalo sila sa pakikibaka sa loob ng bansa, patuloy ang paglaban ng mga kapitalistang bansa sa kanila, malaking bahagi ng kita ng mga bansang ito ay inilalaan sa mga gamit militar na nakaubos din ng malaking bahagi ng kanilang kayamanan imbis na mailagay sa mga produktibong industrya. Ang pagbaba ng produksiyon ng mga bansang ito, lalo n asa pagpasok ng dekada ’80 ay nanggaling sa kababaan ng interes ng mga mamamayan, sa kakulangan ng kalayaan sa kanilang pinagtatrabahuhan, at ang kawalan ng partisipasyon ng mga mangangawa sa mga pagpapasiya. Samantalang inaakala na ang kalikasan ay binibigyang-pansin ng sosyalismo, ang malalang pagkawasak ng kalikasan ay kitang-kita ngayon sa mga bumabagsak na sosyalistang rehimen.

3. Dahil sa ganitong dominanteng kaayusan sa kabuhayan at pulitika, ang mga mangangawa ay nagkaroon ng mga samahan, subalit sunud-sunuran sa estado at sa partido. Nagbunga ito ng “depolitization” ng mga mamamayan. Subalit dahil sa matinding pagsiil ng kanilang mga karapatan, dagdag pa nag bumabagsak nilang kabuhayan, ang mga mamamayan sa mga bansang ito ay nagsimulang umangal nang malawakan nitong mga huling taon ng dekada ’80, at tuluyang pinabagsak ang kani-kanilang mga gobierno kahit walang pang Malinas na patutunguhan o direksiyon ang isinisigaw na pagbabago.

4. mga pangunahing puna sa mga naipatupad na sosyalistang rehimen:

a. ang sosyalismong pinairal ay isang bersyĆ³n ng sosyalismo ng estado na kung saan ang pagmamay-ari at pagpapasiya sa paghahati ng tubo ( at pamamaraan ng palitan) ay ipinabahala sa estado, na sa totoo’y inilagak naman sa iisang partido. Dahil dito, ang tunay na diwa ng sosyalismo (sa kabuhayan) na magkakalat ng yaman at magkakaroon ng kapangyarihan ang mga nakakararami sa pagpapasiya hinggil sa paghahati ng tubo ay hindi tunay na naipatupad, at sa halip ay inilagak sa partido, sa ngalan ng estado.
b. dahil sa lubhang paglalagay ng pansin sa papel ng estado, at sa sobrang tiwala sa kakayahan ng mga balangkas upang mapabuti ang kalagayan, ang mga pagpapahalaga at patuloy na pagpapalalim ng mga ugali ata sal na maka-komunidad ay hindi naalagaan dahil sa pagkitil sa mga ibang panlipunang institusyon na kailangang malaya tulad ng mass media, edukasyon at simbahan.
c. Dahil sa ganap na pagtanggi sa kapitalismo, inakala nila na ang palengke ay monopolya ng kapitalistang sistema. Pinatay ito sa mga sosyalistang rehimen, at ang ipinalit ay ang pagtatakda ng estado sa mga kakailanganing likhain at sa pangangailangan ng mga mamamayan. Malinas na sa resulta ng mga sosyalistang kabuhayang ito, hindi maayos na nagampanan ng estado ang papel na ito ng palengke. Hindi naman dapat alisin ang palengke dahil sa anumang kabuhayan, ang pangangailangan ng mamamayan, at kung ano ang nais bilhin, ay napakahirap maunawaan at maitakda, kung walang palengke. Malaki par in ang maitutulong ng palengke upang gumabay sa produksiyon. Hindi ito dapat alisin sa anumang uri ng balangkas pangkabuhayan.
d. Ang pang-aapi ay hindi lamang mula sa pagkakaroon ng mga uri sa lipunan. Dahil dito, ang mga iba’t ibang away o kaguluhan ay hindi automatikong malulunasan sa pamamagitan ng tunggalian ng mga uri. Ang mga suliranin ng kaapihan ng mga kababaihan, ng mga etnikong lipi o minoryang komunidad, at ang pagkawasak ng kapaligiran ay hindi simpleng maiisantabi habang binubuwag ang mga uri. Sila ay may sariling pinanggagalingang suliranin at kailangang harapin hindi man hiwalay sa suliranin ng mga uri, subalit nang may sariling diskarte at estratehiya.
e. Ang diktaturang kaayusan sa mga bumagsak na sosyalistang rehimen ang pangunahing iniangal ng mga tao rito. Nagdagdag sa galit ng bayan ang kanilang bumabagsak na ekonomiya na patuloy na lumala samantalang nawawasak ang kapaligiran, lalong nawawala ang kanilang kapangyarihan sa pagpapasiya at partisipasyon sa kanilang pinagtatrabahuhan.



TUNGO SA ISANG “INTEGRAL SOCIALISM”

1. Mula sa mga tagumpay na nakamit ng sosyalismo at sa mga aral na hatid nito hanggang sa kasalukuyan, naniniwala pa rin tayo na ang sosyalismo ay siya pa ring tamang landasin sa pagbabago ng mga lipunan, lalo na sa mahihirap at kapitalistang bansang katulad ng Pilipinas. Subalit malalim ang hinihinging pagbabago sa ating mga konsepto at kaparaanan. Ating ipinapanukala ngayon na kailangang magpanday ng isang “integral socialism”. Integral sapagkat kailangang tugunan ng sosyalismo ang kabuang lawak ng buhay, hindi lamang ang kabuhayan at pulitika, at kailangang bigyang pansin nito ang pagpapanday ng mga “sosyalistang tao”, at tugunan ito sa konteksto ng pakikibaka laban sa pagwasak sa kapaligiran, sa mga lunggatiin ng mga kababaihan, at sa mga ipinaglalaban ng mga minoryang lipi at komunidad, at sa masalimuot na usapin ng militarisasyon.

2. Mga batayang elemento at katangian ng isang integral socialism:

Mapagkalinga sa kalikasang-sosyalismo (hindi tunay ang sosyalismo kung di gumagalang sa integridad ng buong sangnilikha). Peministang sosyalismo (hindi tunay ang sosyalismo kung di nagsusulong ng kapantayan ng kasarian) Nagpapantay ng katayuang panlipunang sosyalismo. Pinupunan ang nagkukulang, pinapalis ang may sobra. Nagsusulong ng sapat ekonomiks. Nakikidiyalogo, ekumenikal, at pluralistang sosyalismo

A. restorative economics:

a) Mas malawak na pampublikong pagmamay-ari ng mga gamit sa produksiyon: ang pagmamay-ari ay kailangang isapubliko subalit dapat bigyang-pansin ang pagmamay-ari ng mga rehiyon, ng mga kolektiba, at mga pederasyon ng mga magsasaka at manggagawa.
b) Self-management (tuwirang pagmamay-ari) : ang pamamahala ng mga manggagawa sa pamamagitan ng samahan ng mga manggagawa sa pabrika, at ang kanilang karapata na mamili at magpasahod ng mga management team, na magpapasiya nang may konsultasyon sa kabuuang kagustuhan ng mga manggagawa sa nasabing empressa.
c) Palengke na magtatakda ng mga lilikhaing produkto na tutulungan ng demokratiko at malawakang konsultasiyon upang makabuo ng plano mula sa mga industria, rehiyon at sa pambansang antas.
d) Pagpapaubaya sa mga pribadong inisyatiba sa mga negosyo tulad ng mga kainan, sari-sari-store, at mga empresang lumilikha ng mga produkto na hindi nangangailang mag-empleyo ng maraming manggagawa.
e) Walang kinikilingang kasarian sa mga polisiya at patakarang pangkabuhayan at pagbibigay-halaga sa mga gawaing pangreproduksiyon.
f) Ang pagsasapubliko ng mga industriya ng transportasyon, komunikasyon at ilang bahagi ng mass media.
g) Ang pagpapailalim ng kabuhayan sa mga batas ng kalikasan (ecology over economics). Hindi katulad ngayon na tinitignan ang kapaligiran bilang capital lamang ng kabuhayan.

B. Pulitikang May Prinsipyo:

a) Pagkakaroon ng mga iba’t ibang partido pulitikal na lalaban sa suporta ng mga mamamayan sa mga eleksiyon at halalan;
b) Parlyamentaryong anyo ng pamahalaan sa konteksto ng isang pederal na sistema ng pamamahala upang magkaroon ng sapat na tinig, ang mga rehiyon sa pagpapasiya at pamamahala.
c) Pakikiag-ugnay sa mga mahihirap na bansa upang ang ugnayang panlabas ay gabayan ng ayon sa estratehiyang kolektibo ng alyansa at mabisang mapaglabanan ang mga paniniil ng mga mayayamang bansa.
d) Maliit na sandatahang-lakas at malawak na citizens army. Pwede ring wala nang sandatahang lakas upang tuluyang wakasan ang mga digmaan. Sa totoo lang, sa uri at antas n gating sandatahang lakas, kahit na sinong bansang seryosong lulusob at mananakop sa atin ay magtatagumpay. Kung gayon, bakit pa tayo maglulustay ng salaping kailangang kailangan ng byan sa ubang pangangailangan gayong wala rin naman pala itong silbi?
e) Pagbibigay-halaga sa papel ng mga malayang people’s organizations, non governmental organizations, at iba pang mga panlipunang institusyon na magsisilbing tagapuna at tagatuligsa sa mga kamalian at pagkukulang ng isang sosyialistang pamahalaan.
f) Pantay na pagpapahalaga at partisipasyon ng mga kasarian sa mga usaping pambayan.

C. Malaya, makato, at mapagkalingang p[rogramang panlipunan
a) sistemang edukasyon na ang minimum (para sa lahat ng kabataan) ay pinamamahalaan ng pamahalaan upang maging libre, para sa lahat, at ayon sa pangangailangan ng bayan
b) pagkakaroon ng mga iba pang institusyong pang-edukasyon na pinagmamay-arian at pinamamahalaan ng mga grupo o kooperatiba, na walang gaanong pakikialam at panghihimasok ang gobyerno.
c) paggalang at pagpapahintulot sa kalayaan ng mga taong manampalataya at /o di-sumampalataya at ihiwalay ito sa mga operasyon at impluwensya ng pamahalaan.
d) paghawak ng estado , katuwang ang mga manggagawa nito, sa ilang mga istasyon ng radio at telebisyon, at sa ilang diyaryo upang matiyak na ang mga tao ay may kaparaanan na marinig ang tinig. Subalit kailangang hayaan ang mga pribadong inisyatiba tungkol sa mass media upang ang kalayaan at pagka-independiyente nito ay mapangalagaan.
e) malawakan at abot kayang programang pangkalusugan na kukunin sa badyet pambansa na ang pangunahing layunin ay makapagbigay ng batayang lunas at pag-iingat sa mga pangunahing sakit ng maraming mamamayan.
f) pagtuon sa pagpapaunlad ng teknolohiya at pagsasaliksik
g) pagsuporta sa mga kaugalian ng mga komunidad, at mga rehiyon na nagsusulong ng kapatiran, bayaniha at paggalang sa mga kakaiba at natatanging tradisyon ng mga komunidad.
h) Pagsusulong ng pantay na karapatan ng mga kasarian sa lahat ng aspeto ng buhay;
i) Seryosong pagbibigay ng pangunahing pansin sa pangangalaga ng kapaligiran at pagbabalanse sa pangangailangan ng bayan at sa pangangalaga nito. Kaunlarang nakabatay sa matipid, mapaggalang at mapagkalingang paggamit ng mga likas na yaman.

No comments:

Post a Comment